Iniutos na huwag apihin ang mahihirap
Huwag dapat ninyong gawan ng masama ang isang dayuhan o pagmalupitan siya, dahil naging mga dayuhan din kayo sa lupain ng Ehipto. Huwag dapat ninyong apihin ang sinumang balo o mga batang ulila sa ama. Kung sasaktan ninyo sila, at kung tumawag sila sa akin, na si Yahweh, siguradong pakikinggan ko ang kanilang tawag. Magliliyab ang aking galit, at papatayin ko kayo sa pamamagitan ng espada; ang inyong mga asawa ay magiging balo, at ang inyong mga anak ay magiging ulila sa ama. (Exodo 22:21-24)
Sa paraang ito, ginawa nilang ilapit ang iyak ng mahihirap sa kaniya; pinakinggan niya ang iyak ng mga taong nahihirapan. (Job 34:28)
Ang taong dukha na nagpapahirap sa kapwa niya dukha ay tulad ng isang humahampas sa ulan na nag-iiwan ng walang pagkain. (Mga Kawikaan 28:3)
Inaapi ng masasama ang mahihirap
Dahil nagsasalita ang hangal ng kahangalan, at ang kaniyang puso ay nagpaplano ng masama at hindi maka-diyos na gawain, at nagsasalita siya ng mali laban kay Yahweh. Ginugutom niya ang gutom, at inuuhaw niya ang mga uhaw. Ang mga paraan ng mandaraya ay masama. Mag-iisip siya ng mga masamang balak nang may kasinungalingan para wasakin ang mahirap, kahit na sinasabi ng dukha kung ano ang tama. (Isaias 32:6-7)
Paglalarawan sa mga taong nang-aapi sa mahihirap
Katulad ng isang umaatungal na leon o isang lumulusob na oso ang isang masamang pinuno sa lahat ng mga dukha. (Mga Kawikaan 28:15)
...sila ang isang salinlahi na ang mga ngipin ay mga espada, at kanilang mga panga ay mga kutsilyo, para lapain nila ang mahirap mula sa lupa at ang nangangailangan mula sa sangkatauhan. (Mga Kawikaan 30:14)
Paghatol sa mga nang-aapi sa mahihirap
Hihingi ng kapatawaran ang mga anak niya sa mga dukha, ibabalik ng mga kamay niya ang kaniyang kayamanan. (Job 20:10)
Nilulunok niya ang kaniyang mga kayamanan, pero isusuka niya ulit ito; palalabasin ito ng Diyos mula sa kaniyang tiyan. (Job 20:15)
Pagbabayaran niya ang kaniyang mga pinaghirapan; hindi niya ito lulunukin; hindi siya magagalak sa kayamanan na nakuha niya. Dahil inapi niya at pinabayaan ang mga dukha; sapilitan niyang inagaw ang mga bahay na hindi niya itinayo. Dahil hindi siya makahanap ng kasiyahan sa kaniyang sarili, hindi niya maliligtas ang kahit anong bagay na nagbibigay sa kaniya ng kaligayahan. (Job 20:18-20)
Nakalaan ang ganap na kadiliman para sa kaniyang mga kayamanan; lalamunin siya ng apoy na hindi naapula; lalamunin nito kung ano ang nalabi sa kaniyang tolda. (Job 20:26)
Maglalaho ang kayamanan ng kaniyang bahay; aanurin ang kaniyang mga kalakal sa araw ng poot ng Diyos. (Job 20:28)
Binunot ng masama ang kanilang mga espada at binaluktot ang kanilang mga pana para ilugmok ang mga naaapi at nangangailangan, para patayin ang mga matuwid. Ang kanilang mga espada ang sasaksak sa kanilang mga puso, at ang kanilang mga pana ay masisira. (Mga Awit 37:14-15)
Nawa kunin ng pinagkakautangan ang lahat ng kaniyang pag-aari; nawa nakawin ng mga dayuhan ang kaniyang kinikita. (Mga Awit 109:11)
Nawa gawin ito ni Yahweh dahil ang taong ito ay hindi kailanman nag-abala na magpakita ng kahit anong katapatan sa tipan, pero sa halip ay ginugulo ang mga api, mga nangangailangan, at mga pinanghinaan ng loob sa kamatayan. (Mga Awit 109:16)
Ang isa na siyang nagpapahirap sa mahihirap na tao para lumago ang kaniyang karangyaan, o nagbibigay para sa mayayamang tao, ay magiging isang mahirap. (Mga Kawikaan 22:16)
Huwag mo pagnakawan ang mahirap na tao, dahil siya ay mahirap, o wasakin ang nangangailangang tao sa tarangkahan, dahil si Yahweh ang mangangatwiran sa kanilang kaso, at nanakawin niya ang buhay na siyang nagnakaw sa kanila. (Mga Kawikaan 22:22-23)
Ibababa ni Yahweh ang hatol sa mga nakatatanda at sa mga opisyales ng kaniyang bayan: “Kinain niyo ang ubasan; ang mga nakaw sa mahihirap ay nasa inyong mga bahay. Bakit niyo dinudurog ang mga tao at inginungudngod ang mukha ng mahihirap?” Ito ang pahayag ng Panginoon, si Yahweh ng mga hukbo. (Isaias 3:14-15)
Anong kapighatian ang nakalaan sa mga gumagawa nang hindi makatuwirang mga batas at hindi patas na mga tuntunin. Pinagkaitan nila ng katarungan ang mga nangangailangan, ninakawan ng karapatan ang naghihirap kong bayan, ninanakawan ang mga balo, at binibiktima ang mga ulila sa ama! (Isaias 10:1-2)
Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Bumaba ka sa tahanan ng hari ng Juda at ipahayag mo ang salitang ito doon. Sabihin mo, 'Hari ng Juda, ikaw na nakaupo sa trono ni David, makinig ka sa salita ni Yahweh. At makinig, kayo na mga lingkod niya, at kayo na kaniyang mamamayan na pumasok dito sa mga tarangkahan. Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Maging makatarungan at makatuwiran, at sinuman ang ninakawan—iligtas siya sa kamay ng mang-aapi sa kaniya. Huwag apihin ang mga dayuhan sa inyong bayan, o anumang ulila o balo. Huwag gagawa ng karahasan o magbubuhos ng dugo ng walang kasalanan sa lugar na ito. Sapagkat kung talagang gagawin ninyo ang mga bagay na ito, ang mga haring umupo sa trono ni David ay papasok sa mga tarangkahan ng tahanan niya na nakasakay ng karwahe at mga kabayo. Siya, ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga tao! Ngunit kung hindi kayo makikinig sa mga salitang ito mula sa akin na inihayag ko—ito ang pahayag ni Yahweh—kung gayon ang maharlikang palasyong ito ay masisira.'” (Jeremias 22:1-5)
Hindi na nila iginalang ang mga ama at mga ina na nasa iyo, at inapi nila ang mga dayuhan na nasa kalagitnaan ninyo. Inabuso nila ang mga ulila at mga balo na nasa iyo. (Ezekiel 22:7)
Ang mga tao ng lupain ay nang-aapi sa pamamagitan ng panghuhuthut at pandarambong dahil sa pagnanakaw, at inaabuso ang mahihirap at mga kapos, at inapi ang mga dayuhan nang walang katarungan. (Ezekiel 22:29)
Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Dahil sa tatlong kasalanan ng Israel, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil ibinenta nila ang mga walang kasalanan para sa pilak at ang nangangailangan ay para sa pares ng sandalyas. Tinatapakan nila ang ulo ng mga mahihirap gaya nang pagtapak ng mga tao sa alikabok sa lupa; palayo nilang ipinagtutulakan ang naapi. Ang mag-ama ay sumisiping sa iisang babae at nilalapastangan ang aking banal na pangalan. (Amos 2:6-7)
Pakinggan ninyo ang salitang ito, kayong mga baka sa Bashan, kayong nasa bundok ng Samaria, kayo na nagmamalupit sa mga mahihirap, kayo na nagkakait sa mga nangangailangan, kayo na nagsasabi sa inyong mga asawang lalaki, “Dalhan ninyo kami ng maiinom.” Ang Panginoong Yahweh ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang kabanalan: “Tingnan ninyo, darating ang mga araw na kukunin nila kayo sa pamamagitan ng mga kalawit, ang mga huli sa inyo ay bibingwitin. (Amos 4:1-2)
Nagdudulot siya ng biglang pagkawasak sa malalakas upang sa gayon masisira ang mga tanggulan Kinamumuhian nila ang sinumang magtuwid sa kanila sa tarangkahan ng lungsod at kinapopootan nila ang sinumang magsasabi ng katotohanan. Dahil tinatapakan ninyo ang mahihirap at kinukuha ninyo ang mga bahagi ng trigo mula sa kanila—at kahit na nagtayo kayo ng mga bahay na gawa sa bato, hindi ninyo matitirahan ang mga ito. Mayroon kayong masaganang ubasan, ngunit hindi ninyo maiinom ang mga alak nito. Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong nagawang pagkakasala at kung gaano karami ang inyong mga kasalanan—kayo na nagpapahirap sa mga matutuwid, tumatanggap ng mga suhol, at tinalikuran ang mga nangangailangan sa tarangkahan ng lungsod. (Amos 5:9-12)
Pakinggan ninyo ito, kayong mga umaapak sa mga nangangailangan at nagpapaalis sa mga mahihirap sa lupain. Sinabi nila, “Kailan matatapos ang bagong buwan, upang muli kaming makapagbenta ng butil? At ang Araw ng Pamamahinga, kailan matatapos, upang makapagbenta kaming muli ng trigo? Gagawin naming mababa ang sukat at tataasan ang halaga, upang makapandaya kami ng maling timbang. Upang makapagbenta kami ng hindi magandang trigo at bilhin ng pilak ang mga mahihirap, isang pares ng sandalyas para sa nangangailangan.” (Amos 8:4-6)
“Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Humatol nang may tunay na katarungan, katapatan sa kasunduan at habag. Gawin ito ng bawat lalaki para sa kaniyang kapatid na lalaki. Tungkol naman sa balo at ulila, ang dayuhan at ang mahirap na tao, huwag silang apihin. At sa paggawa ng anumang masama sa bawat isa, hindi kayo dapat magbalak ng anumang masama sa inyong puso.' Ngunit tumanggi silang magbigay ng pansin at pinatigas ang kanilang mga balikat. Pinigilan nila ang kanilang mga tainga upang hindi sila makarinig. Ginawa nilang kasing tigas ng bato ang kanilang mga puso upang hindi nila marinig ang kautusan o ang mga salita ni Yahweh ng mga hukbo. Ipinadala niya ang mga mensaheng ito sa mga tao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu noong unang panahon, sa pamamagitan ng bibig ng mga propeta. Ngunit tumangging makinig ang mga tao, kaya nagalit sa kanila si Yahweh ng mga hukbo. (Zacarias 7:9-12)
“Pagkatapos lalapit ako sa inyo para sa paghahatol. Magiging isa akong mabilis na saksi laban sa mga manghuhula, sa mga mangangalunya, sa mga hindi totoong saksi, at laban sa mga nang-aapi sa mga inuupahang manggagawa sa kaniyang sahod, sila na nang-aapi sa mga balo at sa mga ulila, at naglalayo sa mga dayuhan sa kanilang mga karapatan, at laban sa mga taong hindi ako pinararangalan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. (Malakias 3:5)
Kahilingang hatulan ng Panginoon ang pang-aapi sa mahihirap
Bumangon ka, hukom ng mundo, ibigay mo sa mapagmalaki kung ano ang nararapat sa kanila. (Mga Awit 94:2)
Pinapatay nila ang balo at ang dayuhan, at pinapaslang nila ang mga ulila. (Mga Awit 94:6)
Sinasabi nila, “Hindi makikita ni Yahweh, ang Diyos ni Jacob ay hindi mapapansin ito.” (Mga Awit 94:7)
Halimbawa ng pang-aapi sa mahihirap
Nakita sa iyong mga kasuotan ang dugo ng mga dukha at walang kasalanang tao. Sila ang mga taong hindi nahuli sa mga gawaing pagnanakaw. (Jeremias 2:34)
Mga relihiyosong nang-aapi sa mahihirap
Sa kaniyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais na maglakad ng may mahabang mga balabal at batiin sa mga pamilihan at magkaroon ng mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga pangunahing lugar sa mga kapistahan. Kinakamkam din nila ang mga bahay ng mga balo at nananalangin sila ng mga mahahabang panalangin upang makita ng mga tao. Makatatanggap ang mga taong ito ng mas mabigat na parusa.” (Marcos 12:38-40)
“Mag-ingat kayo sa mga eskriba na gustong maglakad na nakasuot ng mahabang mga balabal, at gustong-gusto ang mga pagbati sa mga lugar na pamilihan, at mga upuang pandangal sa sinagoga, at mga upuang pandangal sa mga pista. Nililimas din nila ang mga bahay ng mga balong babae, at nagpapanggap na nananalangin nang mahaba. Sila ay tatanggap ng mas mabigat na paghatol.” (Lucas 20:46-47)
Karaniwan ang pang-aapi sa mahihirap
Kapag nakikita mong inaapi ang mahihirap at pinagnanakawan ng katarungan at wastong pagtrato sa iyong lalawigan, huwag magtaka na para bang walang nakaka-alam, dahil mayroong mga taong nasa kapangyarihan na nangangalaga sa kanilang nasasakupan at mayroon pang mas mataas sa kanila. (Ang Mangangaral 5:8)
Ipagtanggol/tulungan ang mahihirap/walang magawa
Magsalita ka para sa mga hindi nakakapagsalita, para sa mga kapakanan ng lahat ng mga napapahamak. Magpahayag at humatol sa pamamagitan ng panukat na matuwid at ipagtanggol ang kapakanan ng mga mahihirap at ng mga taong nangangailangan. (Mga Kawikaan 31:8-9)
...alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo.” (Isaias 1:17)
Sa sambahayan ni David, sinasabi ni Yahweh, 'Magdala ka ng katarungan sa umaga. Iligtas ang isang ninakawan sa kamay ng mapang-api, kung hindi lalabas ang aking matinding galit na kagaya ng apoy at magliliyab. Dahil walang makakaapula nito dahil sa masama ninyong mga gawain. (Jeremias 21:12)
Tinutulungan ng mga maka-Diyos ang mahihirap
Siyang gumagawa ng tama ay nakikiusap sa kapakanan ng mahirap; ang masamang tao ay hindi naiintindihan ang ganyang kaalaman. (Mga Kawikaan 29:7)
Hindi ba ako umiyak para sa kaniya na nasa kaguluhan? Hindi ba ako nagdalamhati para sa taong nangangailangan? (Job 30:25)
Pinagpapala ng Panginoon ang mga tumutulong sa mahihirap
Mapalad siya na may malasakit para sa mga mahihina; sa araw ng kaguluhan, Si Yahweh ang magliligtas sa kaniya. Pangangalagaan siya ni Yahweh at buhay niya ay pananatilihin, at sa lupa siya ay pagpapalain. Hindi siya ibibigay ni Yahweh sa kapangyarihan ng kaniyang mga kaaway. Si Yahweh ang aalalay sa kaniya sa higaan ng paghihirap; gagawin mong higaan ng kagalingan ang kaniyang higaan ng karamdaman. (Mga Awit 41:1-3)
Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa. (Mga Kawikaan 19:17)
Pinagpala ang pinunong tumulong sa mahihirap
Kung ang isang hari ay humahatol sa mga mahihirap sa pamamagitan ng katotohanan, ang kaniyang trono ay maitatatag nang walang hanggan. (Mga Kawikaan 29:14)
Sapagkat kung ganap ninyong gagawing mabuti ang inyong mga kaparaanan at mga kaugalian, kung ganap ninyong ipinapakita ang katarungan sa pagitan ng isang tao at ng kaniyang kapwa. Kung hindi ninyo sinasamantala o inaabuso ang isang tao na naninirahan sa lupain, ang ulila o ang balo at hindi dumanak ang inosenteng dugo sa lugar na ito at hindi kayo sumunod sa ibang mga diyos para sa inyong sariling kapahamakan. Hahayaan ko kayong manatili sa lugar na ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga ninuno magmula pa noong unang panahon at magpakailanman. Masdan ninyo! Nagtitiwala kayo sa mga mapanlinlang na salita na hindi nakakatulong sa inyo. Nagnakaw ba kayo, pumatay at nangalunya? At nangako ba kayo nang may panlilinlang at nag-alay ng insenso kay Baal at sumunod sa iba pang mga diyos na hindi ninyo kilala? (Jeremias 7:5-9)
Pakainin ang mahihirap at gagantihan ka ng Panginoon
Sinabi rin ni Jesus sa taong nag-anyaya sa kaniya, “Kapag naghanda ka ng pananghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak o ang mga mayayaman mong kapit-bahay, sapagkat maaari ka din nilang anyayahan at ikaw ay mababayaran. Ngunit kapag ikaw ay maghahanda ng salu-salo, anyayahan mo ang mga mahihirap, ang mga lumpo, ang mga pilay, at ang mga bulag, at ikaw ay pagpapalain dahil hindi ka nila mababayaran. Sapagkat ikaw ay mababayaran sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.” Nang marinig ng isa sa mga taong kasalo ni Jesus ang mga bagay na ito, sinabi niya kay Jesus, “Pinagpala siya na kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos!” Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “May isang taong naghanda ng malaking hapunan at inanyayahan ang marami. Nang maihanda na ang hapunan, inutusan niya ang kaniyang utusan na sabihin sa mga naanyayahan, 'Halikayo, dahil nakahanda na ang lahat.' Silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sabi ng una sa kaniya, 'Bumili ako ng bukid at kinakailangan kong umalis at tingnan ito.' Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.' At sinabi naman ng isa, 'Bumili ako ng limang pares na baka, at pupunta ako upang subukan ang mga ito. Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.' At sabi naman ng isang lalaki, 'Kakakasal ko pa lamang sa aking asawa, at kaya hindi ako makakadalo.' Dumating ang utusan at sinabi sa kaniyang panginoon ang mga bagay na ito. Pagkatapos, nagalit ang panginoon ng bahay at sinabi sa kaniyang utusan, 'Bilisan mo, pumunta ka sa mga kalye at sa mga daanan ng lungsod at dalhin mo dito ang mga mahihirap, ang mga bulag, at ang mga pilay.' Sinabi ng utusan, 'Panginoon, ang iyong iniutos ay nagawa na, ngunit mayroon pa ring silid.' Sinabi ng panginoon sa utusan, 'Pumunta ka sa mga kalsada at sa mga bakuran at pilitin mo silang pumasok, upang mapuno ang aking bahay. (Lucas 14:12-23)
Hatulan nang makatarungan ang mahirap
Hindi mo dapat ilihis ang katarungan kapag ito ay dapat pumunta sa iyong bayan sa isang lalaking dukha na may kaso. (Exodo 23:6)
Huwag ninyong piliting ilayo ang hustisya na nararapat sa dayuhan o as ulila, o kunin ang damit ng balo bilang kabayaran sa utang. (Deuteronomio 24:17)
Kahabagan ang mahihirap
Itataboy ka mula sa mga tao, at maninirahan ka kasama ng mga mababangis na hayop sa parang. Kakain ka ng damo tulad ng isang baka, at mababasa ka ng hamog mula sa kalangitan, at lilipas ang pitong taon hanggang kilalanin mong ang Kataas-taasan ang naghahari sa mga kaharian ng mga tao at ibinibigay niya ang mga ito sa sinumang naisin niya. Gaya ng iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng puno, sa paraang ito, maibabalik ang kaharian sa iyo sa panahong kilalanin mong naghahari ang langit. Kaya hari, hayaang maging katanggap-tanggap ang payo ko sa iyo. Tumigil ka sa pagkakasala at gawin kung ano ang matuwid. Talikuran mo ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag sa mga inaapi, at maaaring magpatuloy pa ang iyong kasaganaan.” (Daniel 4:25-27)
Ang mga hindi nagtatanggol sa mahihirap ay hahatulan
Katulad ng hawla na punung-puno ng mga ibon, ang kanilang mga bahay ay punung-puno ng panlilinlang. Kaya dumami sila at naging mayaman. Naging mataba sila at naging tanyag nang may kagalingan. Ginawa nila ang lahat ng kasamaan. Hindi nila ipinaglaban ang kapakanan ng mga tao o ang kapakanan ng mga ulila. Nagtagumpay sila kahit na hindi sila nagbigay ng katarungan sa mga nangangailangan. Hindi ko ba sila dapat parusahan dahil sa mga bagay na ito? At hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili sa isang bansang gaya nito? Ito ang pahayag ni Yahweh. (Jeremias 5:27-29)
Ang kasalanan ng Sodoma: hindi pagtulong sa mahihirap
Pakinggan mo! Ito ang naging kasalanan ng Sodoma na iyong kapatid: malaya siyang nagmataas, walang malasakit at walang pakialam sa anumang bagay. Hindi niya pinalakas ang mga kamay ng mga mahihirap at mga taong nangangailangan. (Ezekiel 16:49)
Halimbawa ng pinunong hindi nagtanggol sa mahihirap
Mga rebelde at kasama ng mga magnanakaw ang mga prinsipe niyo; ang bawat isa, nagnanais ng suhol at naghahabol ng bayad. Hindi nila pinoprotektahan ang mga ulila, maging ang mga hinaing pang-legal ng mga balo sa kanilang harapan. (Isaias 1:23)
Ang pagtrato natin sa mahihirap ay sumasalamin sa Panginoon
Ang isang nagmamalupit sa mahihirap ay isinusumpa ang kaniyang Maykapal, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa nangangailangan ay pinaparangalan siya. (Mga Kawikaan 14:31)
Ang sinumang nanglalait sa mahirap ay hinahamak ang kanyang Tagapaglikha, at ang taong nagagalak sa kasawian ay hindi makakaligtas sa kaparusahan. (Mga Kawikaan 17:5)
Ang bahagi ng Diyos sa mahihirap
Naglalaan/iniingatan ng Panginoon ang mahihirap at nangangailangan
Nagpapatupad siya ng katarungan para sa ulila at balo, at ipinapakita niya ang pagmamahal para sa mga dayuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkain at kasuotan. (Deuteronomio 10:18)
Pero inililigtas niya ang mga mahihirap mula sa mga espada na nasa kanilang mga bibig, at ang mga nangangailangan mula sa mga mayayaman. (Job 5:15)
Dahil ang mga nangangailangan ay hindi kailanman makalilimutan, o itataboy ang mga pag-asa ng mga inaapi. (Mga Awit 9:18)
Binigyang pansin mo, dahil lagi mong nakikita ang gumagawa ng paghihirap at kalungkutan. Pinagkakatiwala ng ulila ang kaniyang sarili sa iyo; inililigtas mo ang mga walang ama. (Mga Awit 10:14)
“Dahil sa karahasan laban sa mahirap, dahil sa mga daing ng nangangailangan, ako ay babangon,” sinasabi ni Yahweh. “Magbibigay ako ng kaligtasan na kanilang hinahangad.” (Mga Awit 12:5)
Ang inapi ay umiyak, at narinig siya ni Yahweh at niligtas mula sa lahat ng kaniyang mga kaguluhan. (Mga Awit 34:6)
Sa aking buong lakas sasabihin ko, “Sino ang katulad mo, Yahweh, na siyang nagliligtas sa mga api mula sa mas malakas kaysa sa kanila at ang mahihirap at nangangailangan mula sa mga nagtatangka na nakawan sila?” (Mga Awit 35:10)
Ako ay mahirap at nangangailangan; pero iniisip pa rin ako ng Panginoon. Ikaw ang aking katuwang at dumating ka para sagipin ako; huwag kang magtagal aking Diyos. (Mga Awit 40:17)
Inilalagay ng Diyos ang mga nalulungkot na magkaroon ng mga pamilya; pinalalaya niya ang mga bilanggo na nag-aawitan; pero maninirahan sa tigang na lupa ang mga suwail. (Mga Awit 68:6)
Dito nanirahan ang iyong bayan; Ikaw, O Diyos, ay nagbigay sa mga mahihirap mula sa iyong kabutihan. (Mga Awit 68:10)
Dahil naririnig ni Yahweh ang mga nangangailangan at hindi hinahamak ang mga bilanggo. (Mga Awit 69:33)
Sa oras na iyon, tutugon siya sa panalangin ng dukha; hindi niya tatanggihan ang kanilang panalangin. (Mga Awit 102:17)
Naligaw sila sa ilang sa disyertong daan at walang lungsod na natagpuan para matirhan. (Mga Awit 107:4)
Dahil siya ay tatayo sa kanang kamay ng nangangailangan, para iligtas siya mula sa mga nanghuhusga sa kaniya. (Mga Awit 109:31)
Ibinabangon niya ang mahihirap mula sa alabok at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo, (Mga Awit 113:7)
Pagpapalain ko siya ng masaganang pagpapala; Papawiin ko ang kaniyang kahirapan sa pamamagitan ng tinapay. (Mga Awit 132:15)
Alam kong si Yahweh ang magpapanatili ng kapakanan ng mga nasaktan, at siyang magpapatuloy ng katarungan para sa mga nangangailangan. (Mga Awit 140:12)
Siya ang nagpapatupad ng katarungan sa mga inaapi at nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinapalaya ni Yahweh ang mga bilanggo; (Mga Awit 146:7)
Inaalagaan ni Yahweh ang mga dayuhan sa lupain; kaniyang pinapasan ang mga walang ama at mga balo, pero siya ang sumasalungat sa masasama. (Mga Awit 146:9)
Itinataas ni Yahweh ang mga inaapi, at ibinababa niya ang mga masasama. (Mga Awit 147:6)
Winawasak ni Yahweh ang pamana ng mapagmataas, pero pinapangalagaan niya ang ari-arian ng balo. (Mga Kawikaan 15:25)
Sa halip, hahatulan niya ang mahihirap nang makatwiran at magpapasya ng patas sa mga mapagkumbaba sa mundo. Hahampasin niya ang mundo ng pamalo ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng kaniyang mga labi, papatayin niya ang masasama. (Isaias 11:4)
Kakain ang panganay ng mahirap, at makakatulog ng ligtas ang mga nangangailangan. Papatayin ko ang pinanggalingan mo sa pamamagitan ng kagutuman na papatay sa lahat ng nakaligtas sa inyo. (Isaias 14:30)
Dahil ikaw ay proteksyon sa mahirap, isang tagabantay para sa mga nangangailangan na nasa pagkabalisa, isang silungan mula sa bagyo, isang lilim mula sa init, kapag ang ihip ng isang walang awa ay tulad ng isang bagyo na laban sa pader. (Isaias 25:4)
Naghahanap ng tubig ang mga api at nangangailangan, pero doon ay wala, at ang kanilang mga dila ay tigang sa uhaw; Ako, si Yahweh, ang tutugon sa kanilang panalangin; Ako, ang Diyos ng Israel, ay hindi sila pababayaan. (Isaias 41:17)
Umawit kay Yahweh! Purihin si Yahweh! Sapagkat iniligtas niya ang mga buhay ng mga naapi mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama. (Jeremias 20:13)
Panalangin upang tulungan ng Panginoon ang mahihirap
Hatulan niya nawa ang mahihirap sa bayan; iligtas niya nawa ang mga anak ng nangangailangan at pira-pirasuhin ang mga mapang-api. Magbigay nawa ng handog ang mga mga hari ng Tarsis at ng mga isla; mag-alay nawa ng mga handog ang mga hari ng Sheba at Seba. Dahil tinutulungan niya ang mga nangangailangan na tumatawag at mahihirap na walang ibang katulong. May awa siya sa mga mahihirap at nangangailangan, at nililigtas niya ang buhay ng mga nangangailangan. Tinutubos niya ang mga buhay nila mula sa pang-aapi at karahasan, at ang kanilang mga dugo ay mahalaga sa kaniyang paningin. Mabuhay ang hari! Ipagkaloob nawa sa kaniya ang mga ginto ng Sheba. Manalangin nawa ang mga tao sa kaniya; pagpalain siya nawa ng Diyos buong araw. (Mga Awit 72:4, 10, 12-15)
Huwag mong hayaang maibalik ang mga inapi sa kahihiyan; nawa purihin ng mahirap at inaapi ang iyong pangalan. (Mga Awit 74:21)
Ipagtanggol mo ang mahihirap at mga ulila sa ama; panatilihin mo ang mga karapatan ng pinapahirapan at dukha. Sagipin mo ang mahihirap at nangangailangan; alisin mo sila sa kamay ng masasama. (Mga Awit 82:3-4)
Yahweh aking Panginoon, pakitunguhan mo ako nang mabuti alang-alang sa ngalan mo. Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay mabuti, iligtas mo ako. Dahil sa ako ay naaapi at nangangailangan, at ang aking puso ay sugatan. (Mga Awit 109:21-22)
Pananaw ng sangkatauhan sa bahagi ng Diyos at sa mahihirap
Mayroong mga masasama na tinatanggal ang mga hangganan ng tagamarka; mayroong mga masasama na pilit kinukuha ang mga kawan at nilalagay sa sarili nilang mga pastulan. Tinataboy nila ang alagang asno ng mga taong walang ama; kinukuha nila ang kapong baka ng balo bilang kasiguraduhan. Pinapalayas nila ang mga nangangailangan sa kanilang dinaraanan; tinatago ng mga mahihirap sa mundo ang sarili nila mula sa kanila. Tingnan ninyo, pumupunta ang mga mahihirap na ito sa kanilang trabaho gaya ng mga ligaw na asno sa ilang, maingat na naghahanap ng pagkain; marahil pagkakalooban sila ng pagkain ng Araba para sa kanilang mga anak. Umaani sa gabi ang mga mahihirap sa palayan ng ibang tao; namumulot sila ng mga ubas mula sa inani ng mga masasama. Buong gabi silang hubad na nakahiga nang walang damit; wala silang panakip sa lamig. Basa sila ng mga ambon ng mga bundok; nahihiga sila sa tabi ng malalaking bato dahil wala silang masisilungan. Mayroong masasama na kinukuha ang mga ulila mula sa dibdib ng kanilang ina, at masasamang tao na kinukuha ang mga bata bilang kasiguraduhan mula sa mga mahihirap. Pero naglilibot ang mga mahihirap nang walang damit; bagaman sila ay nagugutom, dinadala nila ang bungkos ng mga butil ng iba. Gumagawa ng langis ang mga mahihirap sa loob ng mga pader ng masasama. Tinatapakan nila ang pampiga ng ubas ng masasama, pero sila mismo ay nagdudusa ng kauhawan. Dumadaing ang mga tao sa lungsod, umiiyak ang mga sugatan, pero hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Bumabangon ang mamamatay-tao kasabay ng liwanag; pinapatay niya ang mahihirap at nangangailangan; sa gabi ay tulad siya ng magnanakaw. (Job 24:2-12, 14)
Pananaw ng Diyos sa mahihirap
“Alam ko ang inyong mga pagdurusa at inyong kahirapan (pero kayo ay mayaman), at ang paninirang-puri ng mga nagsasabing sila ay mga Judio (pero sila ay hindi—sila ay isang sinagoga ni Satanas). (Pahayag 2:9)
Dahil sinabi mo, “Mayaman ako, marami akong materyal na pag-aari, at wala akong pangangailangan.” Pero hindi mo alam na ikaw ang pinakamalungkot, kaawa-awa, dukha, bulag at hubad. Pakinggan ang aking payo: Bumili ka mula sa akin ng gintong pinino sa pamamagitan ng apoy kaya maaari kang maging mayaman, at makinang na mga puting damit kaya maaari mong damitan ang iyong sarili at hindi makikita ang kahihiyan ng iyong kahubaran, at papanatag para pahiran ang iyong mga mata kaya maaari kang makakita. (Pahayag 3:17-18)
Pinili ng Panginoon ang mahihina upang hiyain ang malalakas
Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas. (1 Corinto 1:26-27)
Nilikha ng Panginoon ang lahat ng tao
Ang mayaman at mahirap na mga tao ay mayroong pagkakatulad— si Yahweh ang tagapaglikha nilang lahat. (Mga Kawikaan 22:2)
Ang taong mahirap at mapang-api ay magkatulad, sapagkat si Yahweh ay parehong nagbibigay liwanag sa kanilang mga mata. (Mga Kawikaan 29:13)
Pananaw ng sangkatauhan sa mahihirap
Kaya, anong pakinabang mayroon ang matalinong tao na higit pa sa hangal? Anong pakinabang mayroon ang isang mahirap na tao kahit pa malaman niya kung paano kumilos sa harapan ng iba? (Ang Mangangaral 6:8)
Mga problema at pakinabang para sa mahihirap
Mga problema ng mahihirap
Kaunti ang kaibigan ng mahihirap
Ang mahihirap ay kinamumuhian kahit ng kaniyang sariling mga kasamahan, ngunit ang mga mayayaman ay maraming kaibigan. (Mga Kawikaan 14:20)
Ang kayamanan ay nakadaragdag ng maraming kaibigan, pero ang mahirap ay hiwalay mula sa kaniyang mga kaibigan. (Mga Kawikaan 19:4)
Lahat ng mga kapatid ng mahirap ay napopoot sa kaniya; paano pa ang kaniyang mga kaibigan na lumalayo mula sa kaniya! Siya ay nananawagan sa kanila, pero sila ay naglaho na. (Mga Kawikaan 19:7)
Dumaranas ng kawalang-katarungan ang mahihirap
Ang hindi pa nabubungkal na bukirin na pag-aari ng mahirap ay maaaring magbunga ng maraming pagkain, pero ito ay natangay dahil sa kawalan ng katarungan. (Mga Kawikaan 13:23)
Mapagpakumbabang nakikitungo ang mahihirap sa mayayaman
Ang mahirap ay nanlilimos ng awa, pero ang sagot ng mayaman ay magaspang. (Mga Kawikaan 18:23)
Naglilingkod ang mahihirap sa mayayaman
Ang mayayamang tao ay pinamumunuan ang mahihirap na tao, at ang isa na siyang humihiram ay isang alipin sa isa na siyang nagpapahiram. (Mga Kawikaan 22:7)
Binabalewala ang mahihirap
Mayroong isang maliit na lungsod na may kaunting mamamayan, at may isang malakas na haring dumating laban dito, sinalakay ito at nagtayo ng mga malalaking rampang pangsalakay dito. Ngayon sa lungsod na iyon, mayroong isang mahirap na matalinong lalaki, na sa pamamagitan ng kaniyang karunungan ay nailigtas niya ang lungsod. Ngunit kinalaunan, walang nakaalala sa mahirap na taong iyon. Kaya pinagpalagay ko, “Ang karunungan ay mas mainam kaysa sa kalakasan, ngunit ang karunungan ng mahirap na tao ay hinamak at ang kaniyang mga salita ay hindi pinakinggan.” (Ang Mangangaral 9:14-16)
Kahirapan
Ang kayamanan ng isang mayamang tao ay ang kaniyang pinatibay na lungsod, ang kasalatan ng mahirap ay kanilang pagkawasak. (Mga Kawikaan 10:15)
Panalangin na huwag maging mahirap
Dalawang bagay ang hinihingi ko sa iyo, huwag mo silang ipagkait sa akin bago ako mamatay. Ilayo mo sa akin ang kayabangan at kasinungalingan. Bigyan mo ako ng hindi kahirapan ni kayamanan, bigyan mo lamang ako ng pagkain na aking kailangan. Dahil kung mayroon akong labis, itatanggi kita at sasabihin, “Sino si Yahweh?” O kung ako ay magiging mahirap, magnanakaw ako at lalapastanganin ko ang pangalan ng aking Diyos. (Mga Kawikaan 30:7-9)
Mga pakinabang para sa mahihirap
Tinatawag na pinagpala ang mahihirap
Pagkatapos ay tumingin siya sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Pinagpala kayong mga mahihirap sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. (Lucas 6:20)
Ngunit aba kayo na mayayaman! Sapagkat natanggap na ninyo ang inyong ginhawa. (Lucas 6:24)
Ang mahihirap ay mayaman sa pananampalataya
Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid, hindi ba pinili ng Diyos ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at manahin ang kaharian na ipinangako sa kanila na nagmamahal sa kaniya? (Santiago 2:5)
Ipinangangaral ang ebanghelyo sa mahihirap
Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin, dahil hinirang ako ni Yahweh para ipahayag ang mabuting balita sa mapagpakumbaba. Sinugo niya ako para pagalingin ang sugatang-puso, para ipahayag ang kalayaan sa mga nakabilanggo, at ang pagbubukas ng bilangguan sa mga nakagapos. (Isaias 61:1)
Ngayon, nang marinig ni Juan mula sa bilangguan ang mga bagay tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagpadala siya ng mensahe sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad at sinabi nito sa kaniya, “Ikaw na nga ba Ang Darating o mayroon pang ibang tao na dapat naming hanapin?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at iulat ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, nakapaglalakad ang mga lumpo, ang mga may ketong ay nagiging malinis, ang mga bingi ay nakaririnig nang muli, ang mga patay ay muling binuhay, at ang mga mahihirap ay nasabihan na tungkol sa mabuting balita. (Mateo 11:2-5)
“Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, dahil itinalaga niya ako upang ipangaral ang magandang balita sa mga mahihirap. Isinugo niya ako upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at manumbalik ang paningin ng mga bulag, upang palayain ang mga inaapi, (Lucas 4:18)
Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kapag nakaalis na kayo, ibalita ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay nabuhay, at ibinabahagi ang magandang balita sa mga taong mahihirap. (Lucas 7:22)
Ang mahihirap ay hindi kikidnapin dahil sa kayamanan
Ang taong mayaman ay maaaring tubusin ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga ari-arian, pero ang taong mahirap ay hindi makatatanggap ng ganiyang uri ng pagbabanta kailanman. (Mga Kawikaan 13:8)
Ang mahihirap na nakakakilala sa Panginoon ay aaliwin sa langit
Ngayon, may isang mayamang lalaki na nakadamit ng kulay lila na gawa sa pinong lino, at araw-araw nagsasaya sa kaniyang labis na kayamanan. May isang pulubi na nagngangalang Lazarus na pinahiga sa kaniyang tarangkahan na lipos ng sugat, at inaasam-asam niyang kainin ang nahuhulog sa mesa ng mayamang tao—at maliban doon, lumapit ang mga aso at dinilaan ang kaniyang mga sugat. At nangyari na namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa kinaroroonan ni Abraham. Namatay din ang mayamang tao at inilibing, at doon sa hades, sa kaniyang pagdurusa, tumingala siya at nakita si Abraham sa malayo at si Lazarus na nasa tabi niya. At sumigaw siya at sinabi, 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at papuntahin mo si Lazarus, upang isawsaw niya ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, dahil naghihirap ako sa apoy na ito.' Ngunit sinabi ni Abraham, 'Anak, alalahanin mo na sa buong buhay mo, natanggap mo ang mga magagandang bagay, at si Lazaro sa ganoon ding paraan ay masasamang bagay. Ngunit ngayon, siya ay inaaliw dito, at ikaw ay nagdurusa. (Lucas 16:19-25)
Ang mahihirap ay maaaring magmalaki bilang mga anak ng Diyos
Ang mahirap na kapatid ay dapat luwalhatiin sa kaniyang mataas na kalagayan, samantalang ang mayaman na kapatid sa kaniyang kababaang loob, sapagkat siya ay lilipas katulad ng mga bulaklak ng damo sa bukid na lumilipas. (Santiago 1:9-10)
Sa pagpapanumbalik ng Israel, makikinabang ang mahihirap
Muling magagalak kay Yahweh ang mga api, at magagalak sa Ang Banal ng Israel ang mga mahihirap. (Isaias 29:19)
Ang mahirap ngunit marunong ay nakauunawa sa mayaman
Ang mayaman ay maaaring matalino sa kaniyang sariling mga mata, ngunit ang dukha na may pang-unawa ay matutuklasan siya. (Mga Kawikaan 28:11)
Mga bagay na mas mabuti pa ang kahirapan
Mas mabuti ang isang mahirap na lumalakad nang may karangalan kaysa sa isang baluktot magsalita at isang mangmang. (Mga Kawikaan 19:1)
Katapatan ang ninanais ng isang tao, at higit na mainam ang mahirap kaysa sa isang sinungaling. (Mga Kawikaan 19:22)
Mas mainam sa isang dukha na lumakad sa kaniyang katapatan, kaysa sa isang mayaman na baluktot sa kaniyang mga paraan. (Mga Kawikaan 28:6)
Mga halimbawa ng mahihirap
Kaya sinabi ng mga lingkod ni Saul kay David ang mga salitang ito. At sinabi ni David, “Maliit na bagay lang ba sa inyo ang maging manugang ng hari, yamang isa akong dukha, at kaunti ang kabuluhan?” (1 Samuel 18:23)
Pero ako ay mahirap at nangangailangan; magmadali ka sa akin, O Diyos; ikaw ang tutulong at sasagip sa akin. Yahweh, huwag kang maantala. (Mga Awit 70:5)
Makinig ka, Yahweh, at sagutin mo ako, dahil ako ay mahirap at inapi. (Mga Awit 86:1)
Dumadaing ang lahat ng kaniyang mga tao habang naghahanap sila ng tinapay. Ibinigay nila ang kanilang mga mamahaling kayamanan para sa pagkain upang mapanatili ang kanilang buhay. Tingnan mo, Yahweh, at isaalang-alang mo ako, sapagkat ako ay naging walang kabuluhan. (Mga Panaghoy 1:11)
Nang lumipas ang nakatakdang bilang ng mga araw ng kanilang seremonya ng paglilinis, alinsunod sa kautusan ni Moises, dinala siya ni Jose at Maria sa templo sa Jerusalem para iharap siya sa Panginoon. Sapagkat nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat anak na lalaki na nagbubukas sa sinapupunan ay tatawaging nakatalaga sa Panginoon.” Sila rin ay dumating upang mag-alay ng handog na alinsunod sa sinabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang kalapati o dalawang inakay na batu-bato.” (Lucas 2:22-24)
Hanggang sa mga oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami ay pinalo nang may kalupitan, at kami ay walang matuluyan. Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. (1 Corinto 4:11-12)
Sa halip, pinatutunayan namin ang aming mga sarili sa pamamagitan ng aming mga ginagawa, na kami ay mga lingkod ng Diyos. Kami ay mga lingkod niya sa maraming pagtitiis, kapighatian, kagipitan, kahirapan sa panghahagupit, pagkabilanggo, pagkakagulo, pagtatrabaho ng sobra, mga gabing walang tulog, gutom, Gumagawa kami na parang malulungkot, ngunit kami ay laging nagagalak. Gumagawa kami na parang naghihirap, ngunit ginagawa naming mayaman ang marami. Gumagawa kami na parang walang-wala, ngunit mayroon ng lahat ng bagay. (2 Corinto 6:4-5, 10)
Ako ay nakaranas ng matinding trabaho at paghihirap, mga gabi na walang tulog, madalas na nagugutom at nauuhaw, madalas na nag-aayuno, giniginaw at walang maisuot. (2 Corinto 11:27)
Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin. Gayunpaman, ginawa ninyo ang mabuti sa pakikibahagi sa aking mga paghihirap. (Mga Taga-Filipos 4:11-14)
Mahirap/mayaman sa iglesya
Sapagkat sa simula pa lang, narinig kong kapag kayo ay nagtitipun-tipon sa iglesiya, ay may mga pagkakabaha-bahagi sa inyo, at bahagya ako ay naniniwala. Sapagkat dapat may mga pangkat rin kayo, upang makilala sa inyong kalagitnaan ang mga karapat-dapat. Sapagkat kung kayo ay nagtitipun-tipon, hindi ang Banal na Hapunan ng Panginoon ang inyong pinagsasaluhan. Kapag kumakain kayo, kinakain ng bawat isa ang kaniyang sariling pagkain bago kumain ang iba. Ang iba ay nagugutom, at ang iba ay nalalasing na. Wala ba kayong mga bahay upang doon kayo kumain at uminom? Hinahamak ba ninyo ang iglesiya ng Diyos at ibinababa ang mga walang-wala? Ano ang kailangan kong sabihin sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Hindi ko kayo pupurihin para dito! (1 Corinto 11:18-22)
Pagbibigay sa mahihirap
Pagbabalik ng lupa
Ang ikalimampung taon ay magiging isang Paglaya para sa inyo. Hindi kayo dapat magtanim o gumawa ng isinaayos na pag-aani. Kainin anuman ang tumutubong mag-isa, at tipunin ang mga ubas na tumutubo sa hindi pinutulang mga baging. Dahil isang Paglaya iyon, na magiging banal para sa inyo. Dapat ninyong kainin ang bungang tumutubong mag-isa mula sa kabukiran. Dapat ninyong ibalik ang bawat isa sa kanyang sariling ari-arian sa Taon ng Paglaya. (Levitico 25:11-13)
Mga kautusan tungkol sa mahihirap na naging alipin
Kung maging mahirap ang kapwa kababayan ninyo at ipagbili ang kanyang sarili sa inyo, hindi ninyo siya dapat pagtrabahuhin tulad ng isang alipin. Ituring siyang isang upahang lingkod. Dapat siyang maging tulad ng isang taong pansamantalang naninirahan kasama ninyo. Maglilingkod siya sa inyo hanggang sa Taon ng Paglaya. Pagkatapos aalis siya mula sa inyo, siya at ang kanyang mga anak na kasama niya, at babalik siya sa kanyang sariling pamilya at sa ari-arian ng kanyang ama. Sapagkat mga lingkod ko sila na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto. Hindi sila ipagbibili bilang mga alipin. Hindi ninyo sila dapat pamunuan nang malupit, subalit dapat ninyong parangalan ang inyong Diyos. Para sa inyong mga aliping lalaki at babae, na maaari ninyong makuha mula sa mga bansang naninirahan sa palibot ninyo, maaari kayong bumili ng mga alipin mula sa kanila. Maaari rin kayong bumili ng mga alipin sa mga dayuhang naninirahan kasama ninyo, iyon ay, mula sa kanilang mga pamilyang kasama ninyo, mga batang ipinanganak sa inyong lupain. Maaari ninyo silang maging ari-arian. Maaari ninyong ibigay ang ganyang mga alipin bilang isang pamana sa inyong mga anak na kasunod ninyo, para panghawakan bilang ari-arian. Mula sa kanila ay maaari kayong palaging bumili ng inyong mga alipin, ngunit hindi ninyo dapat pamunuan ang mga tao ng Israel nang may pagmamalupit. Kung isang dayuhan o isang taong pansamantalang naninirahan kasama ninyo ang naging mayaman, at kung isa sa mga kapwa ninyo Israelita ang naging mahirap at ipagbili ang kanyang sarili sa dayuhang iyon, o sa isang tao sa pamilya ng isang dayuhan, matapos na ang inyong kapwa Israelita ay nabili, maaari siyang muling bilhin. Isang tao sa kanyang pamilya ang maaaring tumubos sa kanya. Marahil ang tiyuhin ng tao o anak ng kanyang tiyuhin ang siyang tutubos sa kanya, o sinumang malapit na kamag-anak niya mula sa kanyang pamilya. O, kung naging maunlad siya, maaari niyang tubusin ang kanyang sarili. Dapat siyang makipagtawaran sa taong bumili sa kanya; dapat niyang bilangin ang mga taon mula sa taong ipinagbili niya ang kanyang sarili sa nakabili sa kanya hanggang sa Taon ng Paglaya. Ang halaga ng kanyang katubusan ay dapat kuwentahin alinsunod sa halagang ibabayad sa isang upahang lingkod, para sa bilang ng mga taon na maaari siyang patuloy na magtrabaho para sa bumili sa kanya. Kung may maraming taon pang natitira hanggang sa Paglaya, dapat siyang magbalik bayad bilang halaga para sa kanyang katubusan ng isang katumbas na dami ng perang angkop sa bilang ng mga taong iyon. Kung may ilang taon na lamang tungo sa Taon ng Paglaya, sa gayon ay dapat siyang makipagtawaran sa nakabili sa kanya upang ipakita ang bilang ng mga taong natitira bago ang Paglaya, at dapat siyang magbayad para sa kanyang katubusan alinsunod sa bilang ng mga taon. Dapat siyang ituring bilang isang taong inuupahan taun-taon. Dapat ninyong tiyaking hindi siya mapagmalupitan. Kung hindi siya matutubos sa mga paraang ito, dapat siyang maglingkod hanggang sa Taon ng Paglaya, siya at ang kanyang mga anak na kasama niya. (Levitico 25:39-54)
Ang hindi pagsunod sa kautusan ay nagdulot ng paghatol
“Sinasabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 'Ako mismo ang nagtatag ng isang kasunduan sa inyong mga ninuno sa panahong inilabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa tahanan ng pagkakaalipin. Iyon ay nang sinabi ko, “Sa pagtatapos ng bawat ika-pitong taon, ang bawat tao ay dapat palayain ang kaniyang kapatid, mga kapwa niyang Hebreo na ibinenta ang kaniyang sarili sa inyo at naglingkod sa inyo ng anim na taon. Palayain ninyo siya sa paglilingkod sa inyo.” Ngunit hindi nakinig o nagbigay ng pansin ang iyong mga ninuno sa akin. Ngayon, kayo mismo na nagsisi at nagsimulang gawin ang tama sa aking paningin. Ipinahayag ninyo ang kalayaan, sa bawat tao sa kaniyang kapwa. At itinatag ninyo ang isang kasunduan sa aking harapan sa tahanan na tinawag sa aking pangalan. Ngunit tumalikod kayo at dinungisan ang aking pangalan, pinabalik ninyo sa bawat tao ang kanilang mga aliping lalaki at babae, ang mga pinalaya ninyo upang pumunta kung saan nila naisin. Pinilit ninyo sila na maging mga alipin ninyong muli.' Kaya sinasabi ito ni Yahweh, 'Kayo mismo ay hindi nakinig sa akin. Dapat ipinahayag ninyo ang kalayaan, bawat isa sa inyo, sa inyong mga kapatid at kapwa Israelita. Kaya tingnan ninyo! Ipapahayag ko na ang kalayaan sa inyo—ito ang pahayag ni Yahweh—kalayaan sa espada, sa salot at taggutom, sapagkat gagawa ako ng kakila-kilabot na bagay sa paningin ng bawat kaharian sa lupa. (Jeremias 34:13-17)
Iba-iba
Mga bagay na nagpapahirap sa tao
Magkakaroon ng kahirapan at kahihiyan ang hindi pumapansin sa disiplina, pero karangalan ang darating sa kaniya na natututo mula sa pagtutuwid. (Mga Kawikaan 13:18)
Huwag mahalin ang pagtulog o ikaw ay darating sa paghihirap; buksan mo ang iyong mga mata at ikaw ay magkakaroon ng maraming kakainin. (Mga Kawikaan 20:13)
Ang sinumang minamahal ang aliw ay magiging mahirap, ang taong minamahal ang alak at langis ay hindi magiging mayaman. (Mga Kawikaan 21:17)
Huwag makikisama sa mga lasenggero, o sa mga matatakaw na kumakain ng karne, dahil ang lasenggero at ang matakaw ay nagiging mahirap, at ang naiidlip ay madadamitan ng mga basahan. (Mga Kawikaan 23:20-21)
Walang mahirap sa lupain kung lubos na sumunod ang mga tao
Ganoon pa man, wala dapat sa inyo ang mahirap (sapagkat tiyak na pagpapalain kayo ni Yahweh sa lupain na ibibigay niya sa inyo bilang isang pamana para angkinin), kung masigasig lamang kayong makinig sa boses ni Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang lahat ng mga kautusan na ito na aking sinasabi sa inyo sa araw na ito. (Deuteronomio 15:4-5)
Mahihirap lamang ang naiwan sa natalong lupain
Dinala niyang bihag ang lahat ng Jerusalem, mga pinuno at mga mandirigma, sampung libong mga bihag, at lahat ng mga mahuhusay na manggagawa at mga panday. Walang naiwan kung hindi ang mga pinakamahihirap na mga tao sa lupain. (2 Mga Hari 24:14)
Pero iniwan ng pinuno ng tanod ang ilan sa pinakamahihirap ng bayan para gumawa sa mga ubasan at mga bukirin. (2 Mga Hari 25:12)
Ngunit pinayagan ni Nebuzaradan na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari ang pinakamahihirap na mga taong walang wala para sa kanilang mga sarili upang manatili sa lupain ng Juda. Binigyan niya sila ng mga ubasan at mga bukid sa araw ding iyon. (Jeremias 39:10)
Ngayon, narinig ng ilang mga pinuno ng mga kawal ng Juda na nasa kabukiran—sila at ng kanilang mga kalalakihan—na ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa lupain si Gedalias na anak ni Ahikam. Narinig din nila na itinalaga niya siyang mamahala sa mga kalalakihan, kababaihan at sa mga batang pinakamahirap na mga tao sa lupain, ang mga hindi binihag sa Babilonia. (Jeremias 40:7)
At ang mga pinakamahihirap na tao, ang mga taong naiwan sa lungsod, ang mga nagsitakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang mga nalabing manggagawa—dinalang bihag ni Nebuzaradan, na pinuno ng mga bantay, ang ilan sa kanila ay ipinatapon. (Jeremias 52:15)